Edukasyon: Karapatan o Pribilehiyo

“Edukasyon ang matibay na panlaban sa kahirapan; subalit kadalasan, ang kahirapan din ang nagiging hadlang sa pagkamit ng edukasyon.”

Mula pagkabata, naitanim na sa ating isipan ang kahalagahan ng pagpasok sa paaralan at pagkamit ng pormal na edukasyon. Likas na sa ating isip na dapat lamang tayong mag-aral upang magkaroon ng magandang kinabukasan. Tayo, lalo’t higit ang ating mga magulang ay handang maglaan ng oras, atensiyon, at pera upang makatungtong tayo sa paaralan at matuto ng iba’t-ibang kaalaman, prinsipyo, moralidad, at kasanayan.

Subalit, hindi lingid sa ating isipan at hindi rin natin maitatanggi na ang edukasyon na dapat ay karapatan ng lahat ay nagiging pribilehiyo na para sa karamihan. Lahat nga ba ay may pantay na oportunidad pagdating sa pag-aaral o ang edukasyon ay para lamang sa may pera?



U
na sa lahat, ang edukasyon ay dapat ikonsiderang “karapatan”. Ayon sa Artikulo 26 ng Pangkalahatang Pahayag sa Karapatang Pantao, “ang bawat tao ay may karapatan sa edukasyon”. Ibig sabihin, ang lahat ng tao ay dapat bigyan ng pantay na pagkakataon na pumasok sa paaralan at tumanggap ng pormal na edukasyon. Hindi dapat kailangang maging batayan ang antas ng pamumuhay sa kalidad ng edukasyon na matatanggap kung saan ang mga walang kakayahan ay pagkakaitang makapagtapos ng pag-aaral. Kinilala rin ng Internasyong Pakikipagtipan sa Mga Karapatang Pang-ekonomiya, Panlipunan at Kultura ang edukasyong bilang “isang karapatang libre sa pangunahing edukasyon, maa-access ng lahat partikular sa pamamagitan ng progresibong pagpapakilala ng libreng sekondaryang edukasyon, at progresibong pagpapakilala ng libreng mas mataas na edukasyon”

Gayunpaman, sa Pilipinas, kung saan laganap ang kahirapan at di pantay na oporunidad, ang edukasayon ay nagiging isang “pribilehiyo”. Hindi lahat ng gustong mag-aral ay nabibigyan ng pagkakataon. Ito ay dahil na rin sa kadahilanang karamihan sa paaralan ay hindi libre; at kung libre man, kinakailangan pa ring gumastos sa ibang miscellaneous fees, at kagamitan sa pag-aaral. Lalo pang umigting ang pagiging pribilehiyo ng edukasyon nang dahil sa pandemyang kinakaharap natin ngayon. Ayon sa tala ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), “23 milyon mula sa 28 milyong mag-aaral sa bansa ang nakapagenrol para sa taong panuruang 2020-2021”. Ang pagbaba ‘di umano sa bilang na ito ay bunsod ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19). Dahil sa pandemyang ito nawalan ng pagpipilian ang mga estudyante kundi tangkilikin ang modular distance learning at online learning. Sa ganitong kalagayan, ang mga walang kakayahang bumili ng gadget at walang kakayahang makakuha ng maayos na koneksyon ng internet ay modular learning lamang ang tanging solusyon o di kaya ay huminto na lamang sa pag aaral. Tunay ngang may ginawang hakbang ang gobyerno patungkol sa edukasyon, ngunit malinaw na hindi pa handa ang Pilipinas partikular na ang mga mag-aaral para rito.

Bilang konklusyon, ang edukasyon sa panahon ngayon ay isa na lamang pribilehiyo para sa mga may kakayahan. Isang ideyalistikong pag-iisip ang sabihing karapatan ang edukasyon kung mayroong mga napag-iiwanan ng sistema nang walang kalaban-laban. Sa bansang laganap ang kahirapan at pandemya, mananatiling pribilehiyo ang edukasyon hanggat hindi nabibigyan ng pantay na pagkakataon ang lahat. Patuloy na lamang tayong magiging biktima ng bulok na sistema at maling pamamalakad hangga’t bulag at bingi tayo sa katotohanang “ang dapat na karapatan ay pribilehiyo na lamang”.

Isinulat ni Trisha A. Mae Reyes

Source:

Comments

  1. Magandang Araw!
    Ang Wikipedia hindi po akmang paghanguan ng impormasyon. Gayunpaman magandang punto ang pagpapakita ng dalawang panig patungkol sa edukasyon lalo't hgit ang kalagayn nito sa Pilipinas.
    Maraming Salamat!

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Ang pananakit sa kababaihan at kabataan ay ang iyong kaligayahan?

Epekto ng Social Media sa mga Kabataan