Sistemang Nahihimbing, Dapat Bang Gisingin Upang Hustisya’y Maihain?


         Ngayong kasalukuyan ay matunog na naman ang usapin tungkol sa pagpapatupad muli ng parusang kamatayan dahil sa mga napapanahong krimen na siyang nagbukas muli ng ideya sa natutulog na sistemang ito. Pagpatay, pangagahasa, treachery, infanticide at pagkidnap ay ilan lamang sa mga karumal-dumal na krimeng maaaring parusahan ng kamatayan. Ngunit sapat na bang batayan ang mga karumal-dumal na krimen na ito upang kitilin at alisan ng karapatang mabuhay ang isang tao? Dapat na nga bang gisingin ang sistemang nahihimbing?

            Ang death penalty o ang parusang kamatayan ang ipinapataw na kaparusahan ng batas sa mga taong nakagawa ng mga karumal-dumal na krimen o heinous crimes. Sinasabing nagsimula ito noong 18th Century B.C. na kilala noon bilang Code of Hammurabi sa sinaunang Babylonia. Ang mga uri ng parusang kamatayan na ipinapataw noon ay pagpako sa krus, pagsunog ng buhay at paglunod. Nakarating naman ito sa Pilipinas dahil sa mga Kastila sa panahon ng pananakop. Ayon sa Amnesty International, may naitalang 657 na pagbitay sa 20 bansa taong 2019 na di hamak na mas mababa ng 5% noong 2018 sa may 690 na naitalang pagbitay.

            Sa kasalukuyang panahon, ang talakayan ukol sa parusang kamatayan ay puno ng kontrobersiya. Nahahati ang pananaw ng tao dahil dito. Ang iba ay sang-ayon ang iba naman ay hindi. Ayon sa sa survey ng Social Weather Station noong 2018, sinasabing 6 sa 10 Pilipino ang pabor sa pagpapatupad muli ng parusang kamatayan. Ngunit ano-ano nga ba ang mga dulot o naging dulot ng parusang kamatayan sa ating bansa?

            Ayon sa website na change.org, makatutulong ang parusang kamatayan upang manumbalik ang takot ng mga tao sa paglabag nila sa batas. Dahil nga sa parusang kamatayan, nagkakaroon ng takot sa isipan ang mga tao pagkat kung gagawa sila ng karumal-dumal na krimen ay buhay nila ang magiging kapalit. Makatutulong din umano ito upang mabawasan ang bilang ng krimen sa Pilipinas. Yaman din lamang na may takot na sa isipan ang tao sa paggawa ng krimen, may posibilidad na bumaba ang bilang ng krimen sa bansa dahil sa kaparusahang ito. Pangalawa, ayon sa website na kami.ph na naglalahad ng ilang pahayag ng gobyerno ukol sa death penalty o parusang kamatayan, ang parusang ito ay isang kabayaran o retribution sa nagawang krimen ng may sala sa biktima at sa pamilya nito na sumisigaw ng hustisya.

            Ngunit sa kabilang banda, sinasabi na walang matibay na ebidensya ang magpapatunay na nababawasan nga ang bilang ng krimen sa pagpapatupad ng parusang kamatayan, ito’y ayon sa British Broadcasting Corporation News: World Asia. Ayon naman sa Amnesty.org, ang parusang pagpatay ay lumalabag sa pinaka-pangunahing batas pantao- ang karapatan sa buhay. Kung kaya naman ito ay itinuring bilang pinakamalupit, hindi makatao at nakakahiyang kaparusahan sa lahat. Hindi makatao ang pagkitil sa buhay ng tao bilang kabayaran sa kaniyang kasalanan, maari naman silang magbago at may karapatan na bigyan ng pangalawang pagkakataon upang itama ang kanilang mga naging maling hakbang.

            Panghuli, ayon sa korte Suprema, noong taong 2004 ay may 71.77% ng mga nahatulan ng kamatayan ng Mababang Korte ay mali, samakatwid ang mga taong hinatulan ay pawang mga inosente ngunit sinentensiyahan ng parusang kamatayan. Sa pagsusuring ito, may mga inosenteng nahatulan na maaaring ugat ng maling paratang, di masusing imbestigasyon o di kaya nama’y politika. Kaya naman noong taong 2006, binuwag ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang R.A. 7659 o kilala bilang Death Penalty Law.

            Ang buhay ng bawat tao ay mahalaga, ano man ang kanilang edad, kasarian, hitsura, kulay o katangian maging kung sila man ay may kapansanan o wala. Lahat ay pantay-pantay pagkat lahat ay may karapatang mabuhay. Huwag nating ilagay ang batas sa ating mga kamay pagkat anumang kasalanang nagawa ng isang tao ay wala tayong karapatan na hatulan ang kaniyang buhay. Huwag rin nating hayaan na may mga inosenteng buhay na naman ang mahatulan ng walang sapat na ebidensya dahil sa pagpapatakbo ng pera at impluwensiya sa hustisiya. Imbes na gisingin muli ang natutulog na sistema, nararapat lamang na mas pag-igtingin ng gobyerno at mga pamunuan ng hustisya ang pagtugis sa mga nagkakasala. Pantay ay maayos na hustisya ang sagot hindi ang paghatol ng kamatayan sa taong nanagot.

                                                                                                                    Isinulat ni Rainier C. De Jesus

Source: 


Comments

  1. Magandang Araw!
    Maganda ang pinakitang pagbabahagi ng impormasyon patungkol sa death penalty. Magandang atake ang paglalagay ng pinagmulan nito at kung ano ang status nito sa kasalukuyan.
    Maraming Salamat!

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Ang pananakit sa kababaihan at kabataan ay ang iyong kaligayahan?

Edukasyon: Karapatan o Pribilehiyo

Epekto ng Social Media sa mga Kabataan